CAN THIS BE BLOGGED?
Boy meets girl. Boy and girl fell in love. Boy and girl fight then reconcile, and they live happily ever after.
Ganito ang karaniwang love story. Magsisimula sa pagkakakilala ng mga pangunahing tauhan (minsan masaya, nakakatawa o tragic) at pagkatapos ng conflict ay magiging sila rin. Tried and tested na ito at kabisado ito ng mga film makers, prodyusers at scriptwriter dahil kung di ganito ang fomula, baka langawin lang ito sa takilya. Dahil dapat nga realistic ang dating, may iba pa itong elemento (gaya ng ibang tauhan) na maaring magpatingkad pa sa buong istorya, pero kailangan hindi masasapawan ang bida.
Ang pelikulang “Can this be love?” nila Sandara Parks at Hero Angeles ay tungkol sa isang estudyante na Koreana (Sandara bilang Daisy) na nag-aaral sa may university-belt sa Manila. Isang araw, nanakawan siya at dahil sa kalungkutan, aksidente niyang na-text si Ryan (Hero Angeles) na una niyang nakilala (sa pamamagitan ng text lang) dahil sa ads na idinikit niya para sa ibenebentang cellphone. Nagsimula doon ang pagkakaibigan nila at dinagdagan pa ito ng twist ng magkaalaman na ang typist na kinaiinisan ni Daisy ay si Ryan pala.
Destination…abroad
“Of the pinoy and by the pinoy” talaga ang pellikulang ito. Tadtad ng simbolismo at sa subtle na paraan, inihahayag ng pelikulang ito ang pangkalahatan ng lipunang Pilipino. Mahirap ang pangunahing tauhan dito, si Ryan at pangarap niyang maging nurse upang makapag-abroad. Hindi na bago ito at tunay lamang ang sinasabi ng pelikula. Malakas ang demand ng mga nurses at care takers sa ibayong dagat ( mga first world countries) at isama na rin natin diyan ang mga OFW’s. Ang Pilipinas daw ay isa sa pinakamalakas sa labor export at isa ito sa nagsasalba sa naghihingalong ekonomiya ng Pilipinas. Sa pelikulang ito, wala nang bukambibig ang mga tao, lalo na ang mga kabataan kundi ang pag-aabroad, ang kumita ng dolyar o kahit ang makapag-asawa lang ng dayuhan dahil na rin sa kahirapan. Kahit paulit-ulit itong sinasabi, kahit papaano tumutukoy sa realidad ng lipunan. Kaya nga nagsulpotan bigla ang mga nursing schools na kahit IT schools ay pumasok na rin. Si Ryan at ang iba pang tauhan sa kwento ay iisa. Iisa ang pangarap, ang yumaman sa pamamagitan ng pag-takas sa isang bansang mahirap na tila di naman maintindihan ni Daisy. Mapapansin din sa takbo ng istorya ang tila unti-unting pagkamanhid ng mga kabataan ngayon at pagtrato sa edukasyon bilang paraan lamang para umangat ang kalagayan sa buhay. “Hindi na kailangan matalino basta madiskarte,” sabi nga ng kaibigan niya. “Mataas na grade, equals magandang buhay.” Simplestiko, pero sinasabi rin nito na mababa ang tingin sa tunay na esensiya ng kaalaman. Parang, bakit ka pa mag-aaral kundi ka rin naman yayaman? Kasabay nito, bakit ko nga naman pag-aaralan pa ang humanities, sociology at iba pang kurso na di pag-kakakitaan. Kaya ang pagiging nurse ni Ryan ay di lamang aksidente na nangyari ngunit may esensya din sa pag-sususri. Pinatunayan pa ito ng bigla siyang tanungin ukol sa history ng Pilipinas na di niya masagot na kataka-taka dahil iskolar siya.
Mahalaga rin ang papel na ginampanan ni Tita (caretaker nila Daisy) dahil sa karakter nito hindi lang sa pagpapatawa kundi sa mga pag-aalala nito sa patuloy na pag-alis ng mga Pinoy sa kanilang bayan. Kahit si Daisy, na isang Korean, ay ipinupukol ang tanong na ito. Ano kaya ang mangyayari sa inyo kung lahat ay mag-aalisan? Importante sana ang role ni Tita pero nabawasan ito dahil sa nakakatawa niyang karakter, at pagkahumaling sa Korean telenovela.
Para sa akin, mas kritikal pa ang pagtalakay sa problema nila Sed at Ryan na makapag-abroad kaysa sa problema nito sa kani-kanilang “love problems.” Sinapawan ng huli ang tunay na suliranin na sinubukang ipakita ng pelikula.
Pinakbet
Halo-halo ang mga simbolismo at subliminal na kahulugan ang makikita sa pelikulang ito. Kita dito ang karakter ng panghihikayat, at escapism, virtual reality, ang vicious cycle of hoplessness (na hindi ko na sasabihin para di na pulit-ulit.). Pansinin din ang paggamit ng karakter na bakla ni Roderick Paulate at ang alalay niting tumboy. At gaya ng maraming pelikula, sila ang mga nakakatawa, madaldal at di nararapat seryosohin dahil na rin sa kakaiba nilang sexualidad. Nandiyan din si Tirso Cruz III na maganda ang twist sa bandang huli na umiyak habang nagdradrama ito sa kanyang pag-ibig. Sa una, macho ang dating nito pero sa huli ay bumigay din.
Sa pagitan ng mga pangungusap. Napansin ko rin ang makabagong tugon sa tanong na walang pagmamahal sa bayan ang mga taong umaalis ng bansa para magtrabaho. Ang sagot kasi ng isa sa mga karakter ay ganito, “kahi saan man kami pumunta Pilipino pa rin kami.” Hindi ko na ito palalawigin ngunit may iba pang isyu na pinasadahan ang pelikula na hindi nito sinagot. Na discriminate ba si Ryan pagpunta niya sa Korea gaya sa isa sa mga karakter at scene sa pelikula? And they live happily ever after. Yumaman kaya si Ryan noong magnurse siya? Hindi kaya siya nahirapan mag-hanap ng trabaho o nahirapan sumabay sa pag-dagsa ng libo-libong nurse sa ibang bansa? Hindi kaya abusado ang amo niya? Mala fairy tale ang istorya hindi ba?
Malamang kung ganito, alam na rin natin na kakaiba ito sa pangkaraniwang karanasan ng isang tao bilang indibidwal at bilang kasapin ng lipunan. Sabagay kaya nga kasama pa rin ang pelikula at ang istorya nito sa popular na kultura. Komersyalismo, reproduksyon at teknolohiya.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home