s***!
OK na sana ang araw ko. Katatapos ko lang mag-almusal sa Chowking sa may Starmall na malapit sa sakayan ng MRT kung saan ako sasakay. Habang ninananam ang ang 75 pesos na agahan, kasama ng paglimot na ito ay may kamahalan, binabasa ko naman ang artikulo ni Alden Lauzon tungkol sa pulitika ng McDonalds, Jollibee at kung ano-ano pang nagsulpotang fast food chain, kasama na ang kinakainan ko. Basa, subo, basa, subo…Gawain ko na ito dati dahil spoiled ang katulong naming lalo na pag umaga. Ayaw magluto.
Syet!Alas-otso na. Di ko namalayan ang oras sa sarap ng longsilog at kape. Kumaripas na ako papunta sa may elevator ng MRT at sabay pindot sa sira-sira nang pindutan, Swerte talaga dahil wala akong kasabay at di pangkaraniwang ang ganito. Hindi na parang sardines. Nasa loob na ako at handa na sa mainit at mabagal na elevator ng may biglang bumulaga sa harap ko na babeng naka corporate attire.
“Sandali!” sabi niya. At sa gulat at pagkataranta ko, inipit ko ang paa ko sa may pintuan para di ito magsara. Nalilito kasi ako minsan doon sa keys para sa pintuan at baka kung mali ang napindot ko, hindi siya makakasakay. Nang nasa loob na siya, isasara ko na sana ang pinto nang bigla kong nakita na may dalawa pang nakabuntot sa kanya, humahagos din sa katatakbo para lang maabutan ang elevator. Isang babae na halos kasing edad ko at parang crew pa ata ng Jollibee at isang lalaking mukhang karpentero.Pinindot ko ulit ang di pa nasasarang pinto para sila maka-abot at sa kabutihang palad nakasakay din sila.
Nagulat nalang ako ng biglang naiinis na sinabi ng aleng naka corporate attire, “Stop waiting for them!” Napatingin ako sa kanya dahil alam kong inis siya sa ginawa ko. Napahinto ako, nahilo. Nahilo ako sa sinabi niya at sa oras na iyon, gusto ko sanang sagutin siya pero napatingin nalang ako.
“Ang kapal naman ng mukha mo, kung di rin kita inantay, baka hindi ka rin nakasakay.” “Mahiya ka naman sa sarili mo, mukha ka namang nanay e bakit parang wala kang pakialam sa ibang tao.” Sa isip ko naglalaro ang pag-mumura at pagka-asar sa gawi niyang iyon.
Natanong ko tuloy sa sarili ko ngayon: Ganoon na ba talaga kahalaga ang oras niya na para sa dalawa o tatlong segundo ay wala na siyang pakialam sa iba? Kung mahalaga sa kanya ang oras, hindi rin ba mahalaga iyon sa dalawa pa naming kasama.? Gaano kaya kalaking pera o halaga, ang mawawala sa kanya kung mawalan siya ng ilang segundo? Sabihin nating mas malaki nga ang perang ito dahil nasa opisina siya pero hindi ba parang milyon na rin ang halaga nang piso para sa isang karpentero o crew ng mga fast food chains?
Mas nakakapanggigil pa iyon dahil sa Ingles niya sinabi ito, na para bang gustong niyang ipamukha sa amin na mas mataas ang pinag-aralan niya o edukado siya. Naka corporate attire kasi siya samantalang kami, parang mga gusgusin. E ano ngayon? Hindi naman siya mukhang tisay at hindi rin siya nag-Ingles nang hinabol niya ang pinto ng elevator. Naalala ko tuloy ang nabasa ko kay Marx na ang wika daw ay ideologically charged. Sabagay, kaya nga naman kung gusto mong sabihin na magaling ka, matalino at may pinag-aralan, supistikado, o para-in, mag Ingles ka. Ganun din naman kasi ang tingin natin sa Ingles hindi ba, at sosyal sigurong mag-mura sa Ingles. Parang mas sibilisado ang Ingles na mura kaysa sa Filipino. Iskwater kasing pakinggan ang “putang ina” o “walang hiya ka.” Ganun din naman na ang “shit!” ay mas mabango sa tainga kaysa “tae!”
Cheng! Biglang bumukas ang pinto at nasa taas na pala kami. Biglang naputol ang pag-mumura sa utak ko.
“Hindi bale, sa susunod, iipitin ko na siya ng pintuan,”
2 Comments:
At Sunday, May 15, 2005 11:35:00 AM, ai said…
wow, dan!! isa ka palang taong may ginintuang puso... oo nga pala, naghahanap ka ng girlfriend di ba?! wehehehehe.. ang masasabi ko lang, panget siguro 'yung babae kaya kailangan n'yang mag-Ingles.. sana ay sinabi mo sa kanyang.. "Excuse me, are you from UP?" tapos idagdag mo pa na, "I'll sue you for everything you own. See you in court." hehehehe.. Tapos ipaliwanag mo sa kanya ang mga karapatang pantao sa Constitution para maintindihan n'ya na mali ang ginagawa n'ya, isama mo na rin ang Human Relations sa Civil Code.
At Sunday, May 15, 2005 11:37:00 AM, ai said…
oo nga pala, isang friendly reminder: SA SARILING BLOG MO ITO DAPAT IPOST. alam kong di ka kagalingan sa teknolohiya, ngunit tandaan mo, "ignorantia legis non excusat." gayunpaman, mabuhay ka!!!
Post a Comment
<< Home